Taong Bayan

March 2, 2006

Taong Bayan, isang gasgas na salita, laging maririnig sa rally, speech ng mga pulitiko, pero sino nga ba sila? Sinong may karapatang kumatawan sa kanila? Sa dinami-dami ng mga nagkukunwang representante nila, sino ang tunay na nakaka-alam ng saloobin nila? Sino ang nakababatid ng kanilang gusto.

Ang maka-kapitalista, maka-dayuhang pamahalaan ba? Ang progresibong/maka-kaliwang grupo ba? Ang Oposisyon (ngayon)? Si Erap? Si FPJ? Si Susan Roces?

Kilala ba nila ang masa? Totoo bang kinusulta nila ang mga ito upang malaman ang pulso ng bawat mamamayang Filipino? Nauunawaan ba nila ang hirap at pasakit ng mga nagtitinda sa kalye? Alam ba nila ang pagtitiis ng mga manggagawang kulang pang pang-gastos ang kanilang tinatanggap na sahod? Alam ba nila ang pakiramdam ng mga magsasakang walang sariling lupang sakahin? Ang mga manggagawa sa ibayong dagat, alam ba nila ang kalungkutang dinaranas?

Maraming nagsasalita sa ngalan ng taong bayan, ng masa, ng mamamayan pero teka, narinig mo na ba silang magsalita? Narinig mo na ba ang hinaing nila, hinayaan mo na ba silang magsalita sa mikropono? O baka naman natatakot tayong hindi tumugma ang sasabihin nila sa linyang ipinaglalaban ninyo?

Nagsasalita tayo para sa kabutihan nila, pero makakabuti nga ba ito sa kanila? Magandang pakinggan sa Radio, magandang panoorin sa TV, pero ano ang realidad? Alam ba natin?


Replay na Lang

February 27, 2006

Kung susuriin nating mabuti, paikot-ikot na lang ang kaguluhang pulitikal sa ating bansa. Wala namang bago diba? Maaring ibang personalidad na ang gumaganap, pero parehong istorya din lang. Parang telenovela, bagong artista, lumang istorya.

Maraming nagsasabi, “madaling makalimot ang mga Pinoy,” tama kayang pagsusuri yan? O baka naman katulad din ng pagtangkilik natin sa mga telenovela, nasisiyahan na rin tayo sa paulit-ulit na cycle ng kaguluhan sa ating bansa. Katulad din ng mga salamangkero ng telebisyon (at iba pang sangay ng media), nagagawa tayong paikutin ng mga salamangkero ng ating pamahalaan.

Kailan kaya malalagyan ng bagong flavor ang ating bansa? Baka gawin din lamang na parang koreanovela, bagong mukha, parehas pa rin ang kwento. Ang lasang hinahanap ko ay lasang makapagpapa-bago ng lubusan sa ating pananaw at paninindigan.